Chapter Text

Alas kwatro ng umaga, malamig ang simoy ng hangin with a faint stench of pollution, corruption at inihaw na kung anu-ano, at rinig sa ilang kalye ng Barangay Boombayah ang loudspeaker ng simbahan kung saan mahigit kalahating oras nang nagpapatugtog ng Christmas songs ang kura parokong si Father Teddy. Kakatapos lang ng greatest hits ni Jose Mari Chan at alam na ng mga parokyano ang susunod na kanta sa playlist ni Father, and hudyat ng last fifteen minutes bago ang misa, last call para maghilamos nalang, wala nang time maligo unless okay lang sayong umupo sa likod ng simbahan kasama ang may mga katagpo at ang mga kapwa wisik-wisik lang ang ligo.
Kampana ng simbahan ay nanggigising na at waring nagsasabi na tayo’y magsimba…
Sa isang kanto ng barangay ay isang lumang bahay na ang buong second floor ay mga capiz shell window, yung bintana na pwedeng-pwede kang mang-harana mula sa kalye, Say Anything pero Filipino style (imbes na boombox ay matamis na sauce na may sliced hotdog), at sa ground floor ay may naka paskil na neon sign ng commercial establishment: Choice Cuts Beauty Parlor and Grill.
“CJ, bangon na!,” sigaw ni Daniel “Daesung” Primavera, owner at Chief Executive Manicurista at Hairstylist ng parlor, habang kumakatok sa pintuan ng kwarto ng kaniyang pamangkin na si Joy.
Lumabas mula sa pintuan ng banyo, katabi ng pintong kinakatok ni Daesung, ang isang dalagang basa pa ang buhok pero nakabihis na ng pangsimba. “Gising na po, mamang.”
“Gisingin mo na rin ang ate mo at pag na-late pa yun, tayong lahat nanaman ang tatalakan.”
“Si ate po?”
“Oo, bakit? Tulog pa ba ang ating mahal na princesang malditang intrimitida na walang awat sa ratatat ang bunganga?”
“M’ang naman, first day ng simbang gabi? Alas dos palang nasa simbahan na yun! Alas onse palang kagabi nagkukulot na ng buhok yun!”
“Ay! Umaaura?” tanong ni Sunmi, nakababatang kapatid ni Daesung na lumabas sa isang kwarto na nakacurlers ang buhok pero may natuyong streaks ng mascara sa mukha dahil hindi na nakapaghilamos kagabi sa kakaiyak over a boyfriend na iniwan nanaman siya. Hindi lang kasi basta red flag ang mga type ni Sunmi kundi bandaritas kapag Chinese New Year.
“Hoy, CJ, magtapat ka. Sabihin mo sakin ang totoo. Kumekerengkeng na ba yang ate mo? Dun ba sa anak ni Mareng Yoona na laging rinereklamo ni Ate Roseanne mo?”
Nabulunan ng laway si Joy. “Mamang naman, pag narinig kayo ni ate, basag lahat ng eardrum natin, pati drum ng tubig mababasag. Alam niyo namang allergic kay Kuya Jungkook yun.”
“Ay, so kanino? Dun sa gitarista ng choir? Yung spokening dollars? Or yung matangkad na baby face na parang Santa’s helper yung tenga?” tanong ni Sunmi. “Nanliligaw ba yun sa kanya? Diba nagbibigay ng chocolate yun dati?”
“Hoy! Sunshine Mirabella! Ang bata bata pa ng pamangkin mo!”saway ni Daesung sa kapatid. “Tsaka sino bang hindi nagbibigay ng chocolate kay Roseanne, eh basta pagkain parang traffic enforcer na humihingi ng lagay yan!”
“Kuya, eighteen na si Roseanne, damulag naman na bata yun! Anong gusto mo, tumandang dalaga si Roseanne tulad mo?” tawa ni Sunmi.
Hinampas ni Daesung ang kapatid niya. “Alam mo, wag ka mag-project. Ikaw lang ang matandang dalaga dito. Ang tawag sa situation ko ‘single-blessedness’ kasi masaya akong gampanan ang mga responsibilidad ko at hindi ako nagpapaloko sa mga lalaki!”
Natawa na din si Joy. “Talaga lang, mamang ha? Single-blessedness ba nakalagay as relationship status mo sa Facebook?”
“Alam niyo napakamaldita ninyong dalawa, eh tumandang dalaga nalang ako dahil sa inyo.”
*
Sa tapat ng bahay ng mga Primavera ay isang malaking bahay na may mataas na gate at malaking puno ng santol na sinasabi ng matatanda ay may kapreng nagtatabako kapag madaling araw. Ito ay ang bahay ni Don Yñigo Gonzalez na kung tawagin ng mga kapitbahay ay “YG”.
Nag-dodoorbell sa may gate ang isang payat na dalaga na nagsusuklay ng kanyang bangs at sumasayaw-sayaw ng hiphop moves. Di nagtagal ay bumukas ang maliit na pinto ng gate at bumungad ang isang babaeng naka business formal attire.
“Good morning, Lalisa,” sabi ng mukang aattend ng senate hearing.
“Good morning din po, Miss Alison,” sagot naman ni bangs. “Ready na po ba si Jennie?”
“Good morning, Lisa,” sagot naman ni Jennie na biglang sumulpot sa likod ni Miss Alison. “Sasama ka ba sa church? We’re just waiting for Kuya Jaemin.”
“Nge! Magd-drive pa kayo eh sa kabilang street lang yung simbahan?”
“I know but hindi ako pinayagan ni mamá na maglakad. Gusto ko pa naman sana mag-pet ng stray dogs,” malungkot na sagot ni Jennie.
Kung ibang tao siguro ang kausap ni Jennie ay hinusgahan na siya for her love of askals pero apat na pusang kalye na ang nauuwi ni Lisa para ialay sa kanyang panganay na pusa na si Leo na gusto ni Lisa na ma-socialize ng maayos dahil nakakalungkot naman daw kung hindi match na E ang MBTI nila.
“Jennie had another asthma attack this morning,” paliwanag ni Miss Alison habang chinecheck kung basa ng pawis ang likod ni Jennie kahit bagong ligo lang naman ito.
“May puffer naman ako,” bugnot na sagot ng hikain.
“Ah… sige, kita nalang tayo sa simbahan,” sabi ni Lisa. “Dadaan pa kasi ako sa tindahan.”
Tumango ng matamlay si Jennie at bumalik na sa loob. Pinagbuksan siya ni Miss Alison ng pinto para sumakay sa kotse kung saan tahimik at seryosong nakaupo ang kaniyang second cousin na si Irene na galing probinsya at kasalukuyang nakatira kila Jennie habang nag-aaral siya sa Ateneo.
“Good morning, Manang Girlie,” sabi ni Jennie sa pinsan.
“Good morning, Jennie. Dala ko yung extra inhaler mo but do you have your puffer?” tanong ni Irene.
Binuksan ni Jennie ang Chanel bag niya at linabas at winagayway na parang Sailor Moon power stick ang inhaler na tadtad ng mga Sanrio sticker. “I have it,” sabi niya.
“I also brought an extra puffer, Irene,” sabi ni Miss Alison na nakaupo sa passenger seat.
Nilabas ni Irene ang kaniyang cellphone at may tinawagan. “Hello, Ninang Carmela? Yes, we’re ready na… okay, ako na’ng bahala kay Jennie, uuwi din kami agad after the mass… okay… okay, bye.” Tumango si Irene sa driver. Nagbukas ang automatic gate at nag-drive sila patungong simbahan.
*
Tumawid si Lisa ng kalye papunta sa isang bahay na mukang townhouse kasi medyo makitid at may tatlong palapag. Pinturadong nakakasilaw na puti ang mga pader at may nakakabulag na fluorescent light ang nakasindi sa ground floor kung saan may malaking storefront na bintana, may plexiglass sa likod ng mga rehas na bakal sa ilalim ng isang karatulang nakasulat ay “SARI-NOT SARI STORE”. Matatanaw sa loob ng tindahan na halos walang laman na paninda ang umuugong na aircon, dalawang malaking gaming chair na magkaharap at nakatapat sa back-to-back na set-up na tigatlong computer monitor. Isang babae at lalaki na mapagkakamalang kambal ang nakaupo sa tig-isang gaming chair, parehas na naka headphones at nagsisisgawan habang tinatapik ng mabilis ang keyboard.
Kumatok si Lisa sa plexiglass at dahil parang walang nakarinig sa unang katok niya ay kumatok ulit siya ng mas malakas.
“Wait, wait, wait lang!” sigaw ng babae habang halos sirain ang keyboard sa pagtapik. “Boom! In your face, kuya! Bobo mo talaga maglaro!” sigaw niya sabay tayo, tanggal ng headphones at paglapit sa bintana. “Oh anong problema mo, Lisa? Istorbo ka sa buhay ko.”
“Hindi ko ineexpect na gising ka na pala, Jisoo. Hi, Kuya Jin,” bati ni Lisa sa magkapatid.
Kumaway si Jin at umakyat ng hagdan pagkatapos batukan ang kapatid.
“Anong gising, eh hindi pa ko natutulog?” sabi ni Jisoo.
“Gagi, ‘tol. Hindi ka ba magsisimbang gabi?”
“Lisa, Lisa, Lisa… hindi mo ba alam na ‘yang simbang gabi na ‘yan ay paraan ng pagsakop at pagkontrol ng mga Kastila sa mga sakadang Indio? Bakit naman ako makikilahok diyan sa tradisyong kolonyal na ‘yan?” pangaral ni Jisoo.
Hindi kumbinsido ang taas kilay na expression ni Lisa. “Dami mong alam. Hindi ka lang naligo eh.”
Inirapan siya ng kaibigan niya. “‘Tong mukhang ‘to? Kahit isang taon akong hindi maligo pagkakamalan parin akong artista.”
“Morning, boss! Start tayong maaga? Fresh na fresh ka kahit walang tulog ah! Parang bagong silang na anghel,” sabi ng isang mas batang babae na sumulpot sa likod ni Lisa na nakangisi.
Tumalikod si Lisa ng marinig ang boses ng kaniyang bunsong kapatid. “Hayop mambola ‘to, daig mo pa kandidato pag election! May utang ka ba diyan?”
“Ate,” akbay ng kapatid kay Lisa. “Ako ang may hawak ng listahan ng pautang ni bossing. Ikaw ang may utang, ako may sweldo.”
“Good morning, Yeri. Pasok ka, upo ka muna, pagtimpla kita ng Milo. Chill lang muna tayo tapos inventory mamaya,” sabi ni Jisoo na nagbukas ng pintuan para papasukin si Yeri.
“Hindi ka ba magsisimba, Yeri?” kunot-noong tanong ni Lisa.
“Ate naman, sa manlulupig ‘di ako pasisiil!” magaling na sagot ng kapatid.
Napabuntong hininga nalang si Lisa. “Jisoo, pabili na nga lang ng Zesto. Bad influence ka sa kapatid ko eh. Ginawa mo pang erehe na katulad mo.”
Nagbukas si Jisoo ng malaking ref at tinapat sa slot ng plexiglass ang kamay niya upang ihagis sa kaibigan ang juice. “Balato ko na yan sayo. Dala ka nalang ng putobumbong after mo magsimba. Luto akong pancit canton sabay ka na samin ni Yeri mag-breakfast.”
“Sige na nga.”
“Kamusta nalang sa katagpo mo. Sino ba today? Jackson? Bambam?”
Ngumiti ng malaki si Lisa at nagsuklay ng bangs niya. “Tabi kaming tatlo, kunyari friends lang.”
Umiling si Jisoo. “Sesermonan ka nanaman ni Madam Jennie sa pinaggagawa mo.”
“Hindi yan. Hinika daw kaninang umaga. Pagod yun.”
*
Wala pang tao sa simbahan ng dumating ang isang dalagang blonde na mahaba ang buhok. Dumirecho sa harap sa may section ng choir at binaba niya ang dalang YSL bag at canvas tote na may malaking logo ng Ritz-Carlton Yacht Collection na naglalaman ng toiletry kit at pink -sorry, rose gold- Hydro Flask na puno ng salabat.
Nagpunta siya sa gilid kung saan ang mga light switch at pinaandar ang mga ilaw at ceiling fan. Pagkatapos ay nagbukas ng cabinet at kumuha ng isang stack ng missalette, chineck na tama ang date, at nagsimulang maglatag sa bawat pew habang kumakanta ng Sabrina Carpenter.
“I’m working late ‘cause I’m a singer…”
“Good morning, Ate Rosé!” bati naman ng bagong dating na isa pang blondita na may kasunod na lalaking basa pa ang buhok at nagkukuskos ng mata.
“Omg, siszt! Good morning!” tili ni Rosé at tumakbo para makipagbeso.
“Sorry, I’m late, ate. Sabi kasi ni mama hintayin ko nalang daw si kuya.”
Tumingin ng masama si Rosé sa lalaki. “Talagang sa simbahan ka pa magtatanggal ng muta? Mahiya ka nga kay Lord. Naawa na nga sayo ewan ko kung bakit.”
“Grabe ka naman, Roseanne, naligo kaya ako-“
“Eh so what? Naligo ka nga, eh kung hindi ka naman nagsabon, or ayan, mukhang hindi ka naman naghilamos!”
“Nagtutubig lang talaga yung mata ko sa antok,” defensive na paliwanag ng lalaki.
Nag-eyeroll si Rosé at naglabas ng pocket-sized Kleenex mula sa bulsa niya at inabot sa kausap. “Grabe, Jeon Somi. I can’t believe you’re related to him. Feeling ko talaga parang same lang kayo ng apelyido pero hindi mo talaga siya kaano-ano.”
Hindi na pinansin ng magkapatid ang pang aasar, mukhang sanay na.
“Kuya, kasi, bukas agahan mo gumising! Tingnan mo tuloy mag-isa lang si Ate Rosé dito. Matagal ka bang mag-isa, ate?”
“Hindi naman, okay lang, gurl! Pero mamaya sa internship mo sa parlor hindi ka pwedeng late ha? Di uubra kay mamang pag late. Kailangan professional tayo. Tayo ay nasa fine dining restaurant, ganon.”
“Sorry na, Roseanne. Bukas aagahan ko gumising,” sagot ng lalaki.
“Mygod, hindi kita kausap, not everything is about you,” irap ni Rosé. “And pwede ba? It’s Rosé. RO-ZAY. Not Roseanne.”
“Pero thank you talaga sa pag-mentor sakin, ate! I promise professional ako. Hindi ko sasayangin ang opportunity na to. I will not let you down!”
“Okay, calm down, sis, para kang anti-perspirant! I trust your work ethic naman. Syempre I believe in your talent, eh taste mo palang same na tayo.”
Nagsimula nang magsidatingan ang mga ibang taong simbahan kaya nagpunta na sa mga kanikanilang upuan ang tatlo. Si Somi ay umupo sa pinakagilid na front row. Ang dalawa naman ang umakyat sa choir section kung saan tumabi ang lalaki kay Rosé.
“Mygod, wala ka bang friends? Bakit ka ba tumatabi sakin? Diba dapat sa boys ka?” reklamo ni Rosé.
“Sabi ni Ate Taeyeon soprano daw ako eh,” kamot ulong sagot ng kausap.
“Jungkook!” masiglang bati ng isang sakristan. “Ang aga-aga pa ang gwapo mo na! Parang mangchichicks sa simbahan!”
Naduwal si Rosé.
“Eunwoo!” sagot ni Jungkook na tumayo para batiin ang kaibigan. “Grabe ka naman, ikaw nga diyan naka-sutana kunyari good boy!” Tumingin si Jungkook kay Rosé. “Roseanne, pa-save ng upuan ha?”
Eyeroll lang ang sinagot ng blondita pero linagay naman niya ang bag niya sa tabing upuan.
*
Kumpleto na ang choir members, nakaupo at nakikinig sa leader nilang si Taeyeon na nagaabot ng mga song sheet at nag-aanounce ng mga soloista, ang pinaka importanteng moment lang naman sa singing career ni Rosé. Eto na ba ang taon na makakamit nya sa wakas ang inaasam asam niyang biritera part sa “Bohemian Rhapsody” ng simbahang katolika, ang “Papuri sa Diyos”? Ilang linggo na siyang nag-eemote sa shower gamit ang shampoo as microphone ng: IKAAAAW NA NAGAALIS *taas kamay at pikit mata parang diva na nagcoconcert* NG MGA KASALANAN NG SANLIBUTAN *hihina at may nginig ang boses para maramdaman ng listeners ang pagdadalamhati* maawa ka… maawa ka sa aAaAmiiin *punas ng luha*
“Okay, guys, ang soloist natin for ‘Papuri sa Diyos’ is Kuya Baekhyun,” pag announce ni Taeyeon.
Sumimangot ng konti si Rosé at siniko ang katabi sa kanan na si Jihyo. “Mas magaling pa tayo diyan, sis,” bulong niya.
Siniko niya naman ang katabi sa kaliwa na si Jungkook. “Favoritism si Ate Taeyeon.”
Siko ulit kay Jihyo. “Sila kasi ni Ate Taeyeon. Jowa nepotism.”
“Okay, Joshua, let’s take it from the top,” sabi ni Taeyeon sa gitarista.
Kinalabit ni Rosé ang nasa harap niya. “Mas magaling pa tayo mag guitar diyan, right Ate Wends?”
Inirapan siya ni Joshua.
*
Pagkatapos ng misa ay unti unting nagsilabasan ang mga tao. Marami ang nagtutungo para bumili ng putobumbong at bibingka. Ang iba ay masigasig na nakikipagkwentuhan sa mga kaibigan. Ang iba naman ay nagpapabebe sa mga katagpo sa pag-coordinate kung saan sila pupunta for breakfast.
“Lisa, punta ka sa bahay? Gumawa si mommy ng champorado and tuyo? Perfect match,” alok ni Bambam at dagdag na pabulong, “parang tayo.”
“Uh… next time nalang, Bam,” kamot-ulong tanggi ni Lisa. “Nagpapabili kasi si Jisoo ng putobumbong.”
“Libre ko na kayo, Lisa,” sagot naman ni Jackson. “Malakas ka sakin eh.”
“Pwede ko din naman ilibre si Lisa,” defensive na sagot ni Bambam. “Minamaliit mo ba yung putobumbong purchasing power ko?”
“Wala akong minamaliit, pare. Proactive lang ako manlibre,” sagot naman ni Jackson. “Gusto mo ilibre pa kita ng putobumbong eh.”
“Eh kung ikaw kaya ang pakainin ko ng champorado ni mommy?” hamon ni Bambam.
Nagtinginan ng masama ang magkaibigan habang pasimpleng umaatras si Lisa na na-confuse kung nag-t-trashtalk ba yung dalawa or nagkaayaan mag-breakfast.
Bigla namang may sumigaw ng malakas, “Tulong! Patawag po ng doctor!”
Si Jennie at ang entourage niyang si Miss Alison at Irene ay nagsisindi ng kandila at nagdadasal sa madilim na sulok ng simbahan ng marinig nila ang kaguluhan.
“May doctor po ba dito?!” ulit ng humihingi ng tulong na rinig ang panic sa boses.
“Ako!” presenta ni Irene na tumakbo papunta sa crowd kasunod ng mas mabagal na si Jennie at Miss Alison. “Sinong may kailangan ng tulong?”
“Doctor po kayo?” tanong ng isang babaeng singkit ang mata na akay-akay ang isang sakristan na parang hinihingal.
“Um… well… med student… uh… first year,” medyo nahihiyang sagot ni Irene kay ateng chinita. Ay, parang may something.
“Yung pinsan ko kasi hinika sa incenso,” explain ni singkit.
Habang pinaupo ni Irene ang pasyente, mabilis na hinalungkat ni Jennie ang kanyang bag at inabot ang kanyang inhaler sa sakristan. Nagdikit ng sandali ang kanilang daliri. Namula si Jennie. Nag-blue naman ang sakristan kasi hindi na nga makahinga. Mabilis niyang ginamit ang inhaler. Halatang sanay gumamit.
“Ayyy, indirect CPR,” tili ni Rosé na nakiki usisa sa kaguluhan.
“Vincent naman kasi! Bakit wala kang baon na inhaler!” pinagsabihan ng singkit ang sakristan na ngayon ay nakakahinga na ng mas maluwag.
“Sorry na, Ate Gab,” sagot ng sakristan. “Nagpalit kasi ako ng sutana.”
“Vincent! Pare! Okay ka lang?” OA na sigaw ni Jungkook habang tumatakbo papunta sa sakristan at nagtutulak ng mga nakaharang na tao.
“Thank you nga pala,” sabi ng chinita na inabot ang kamay kay Irene. “Soledad Gabriella Salazar pala, pero pwede ding Sol G,” pa-cool pa na pahabol.
Medyo kinilabutan si Irene sa cheesy na pagpapakilala pero medyo kinilig din siya. “Nice to meet you, Soledad. Irenea Agapita Fortun,” sagot niya at nagshakehands sila na parang sa movie yung may kuryekuryente pa kasi pasmado yung kamay ni Sol G.
“Thank you nga pala sa puffer,” singit naman ng sakristan na nakipagshakehands naman kay Jennie. “Ako nga pala si Vincent Timothy Salazar, VTS for short.”
“Jennifer Kimberly Robredo.”
*
Mag aalasais ng umaga at nakaupo si Jennie sa ledge ng swimming pool nila. Nakasuot na siya ng kneeskins at swim cap pero nakasabit pa sa leeg niya ang kaniyang goggles habang nagtatampisaw ng paa sa tubig.
Sa tabi ng pool, nakaupo si Miss Alison sa recliner, tahimik na nagbabasa ng Art of War ni Sun Tzu.
Nakahiga naman si Rosé sa isa pang recliner, naka sunglasses at may hawak na tanning reflector.
“Roseanne, madilim pa nakaganyan ka na,” pagpuna ni Irene na nakaupo sa may table sa tabi ng pool kung saan may nakahain na breakfast. May mga textbook na bukas na nakapaligid sa kaniya.
“She’s asleep, Manang Girlie,” sabi ni Jennie at bigla ngang humilik si Rosé.
Sa kabisera ng breakfast table nakaupo si Don Yñigo na nagbabasa ng diyaryo na binaba niya ng sandali.
“How’s the training going, Ace?” tanong niya kay Jennie.
“It’s going well, abuelito. Coach and I are working on setting a new personal best,” sagot ng apo.
“She’s not overworking you, is she? Not pressuring you?”
Nag-isip si Jennie. “She thinks it helps my asthma?” hindi siguradong sagot ng teenager.
“Basta no stress. You should enjoy swimming. It’s not worth it if you don’t love what you do. You know when I was young, I was in a breakdance crew. I had a music video pa na I had Backstreet Boys hair and yung shirt na naka open parang Gardo Versoza,” sabi ng matanda.
Nagtinginan ang magpinsang Jennie at Irene, expression na nandidiri at nagpipigil ng tawa.
“Backstreet Boys daw,” Irene mouthed silently to her cousin.
“Who’s Gardo Versoza?” pabulong na sagot ni Jennie.
“Pasalamat ka nalang na you don’t know,” bulong ng pinsan.
Naghagikhikan ang dalawa. Deadma lang si YG.
“And you, Girlie, are you enjoying school? Getting good grades?” tanong ni Don Yñigo.
“Yes and of course,” mayabang na sagot ni Irene.
Tumawa naman si YG. “I like your confidence! Manang mana ka talaga sa kapatid ko.”
Biglang naalimpungatan si Rosé ng tumunog ang doorbell at muntik nang mahulog mula sa kinauupuan. “Ano ba yan! Grabe, Jennie, Christmas break naman, bakit wala paring awat yung training mo?”
“Buti nga pumayag si coach na i-move from 4 am so I can go to church,” sagot ng hikain.
Dumating na din ang mga kasama ni Jennie sa swim training: si Jungkook na naka kneeskins din at si Mingyu na naka jammers kaya nakadisplay ang muscles, kunyari nagst-stretch pero nagfl-flex at nagseselfie talaga.
“Omg, ikaw nanaman,” irap ni Rosé kay Jungkook. “Hi, Mingyu, kailangan mo ng photographer? Nag-sunblock ka na ba? Alam mo yung ancient Greeks olive oil ang pinapahid sa katawan nila, parang bagay din sayo,” sabi niya naman sa isang binata na laging mukhang masaya at mukhang number one fan ng sarili niyang abs.
“Olive oil?” confused na tanong ni Mingyu. “Baguio oil lang kasi mantika namin sa bahay…”
Napailing nalang si Irene na hindi maiwasang mag-observe sa mga nakababata.
Tumalon na ang tatlong swimmer sa pool nang dumating ang kanilang coach.
“Good morning, Coach CL!” sigaw ng dalawang binata.
“Good morning, mamá… coach… uh coach mamá,” utal ni Jennie.
“Jennifer, is this awkwardness really necessary? Call me coach nalang.”
“O-opo, coach.”
“Ninang Carmela!” tili naman ni Rosé na tumakbo para ibeso siya.
Medyo narindi ata sa tinis ng boses ng inaanak si CL pero nag-awkward pat pat naman siya sa likod ni Rosé. “Sige na, hija, mag-breakfast ka na. We have all your favourites-“
“Tinapa fried rice with salted egg paired with the trifecta of breakfast meats: Spam, tapa and tocino?” Rosé squeaked.
“It’s TJ hotdogs instead of Spam but we have Spanish hot chocolate,” sagot ni Irene.
“Bueno, it’s time for breakfast!” tumili si Rosé at napaatras si CL sa sobrang lakas ng boses niya.
Tumakbo si Rosé at umupo sa breakfast table katabi si Irene.
“Roseanne, kumain ka ng fruit,” seryosong sabi ng first year med student.
“Alam mo, Ate Girlie, sobrang ganda mo pero ang sarap mong lunurin sa pool,” sagot ng gutom na blondita. “Walang basagan ng trip.
Nagsalubong ang kilay ni Irene.
“Sabi ko nga, I’ll have a mango, please.”
“High in sugar yan,” striktong sagot ni Irene.
“So yung… strawberries?”
“Low in sugar and high in antioxidants,” ngiti ni Irene na inabot ang strawberries pati ang blueberries kay Rosé.
*
Alas siete na sa tindahan ng matapos magagahan ang magkapatid na Yeri at Lisa kasama si Jisoo. Karga-karga ni Yeri ang pamangkin ni Jisoo na si Ruka. Sa second floor naririnig nilang naghahanda para sa kanyang shift sa hospital ang asawa ni Jin na si Wendy na isang nurse.
“Jin, bantayan mo naman ang anak mo! Mamaya pag uwi ko, hindi ko nanaman alam kung san hahagilapin yan!” saway ni Wendy.
“Eh hindi lang naman pagbabantay ng bata ang ginagawa ko! May mga gawain sa bahay, tapos nagrereview ako para sa board-“
“Ah nagrereview ka? Kaya pala pag uwi ko kahapon, nagbabangayan kayo ni Jisoo sa computer. Sabi naman ni manang, siya lang ang nagluluto at naglilinis, si Ruka naman andun sa bahay nila Yeri! Ang nagbabantay yung lola niya!”
“Siyempre si mama kakauwi palang may jetlag pa yan kaya hindi mabantayan si Ruka-“
“Eh hindi nga si mama ang dapat magbantay kay Ruka, ikaw! Alam mo, sabihin mo lang kung hindi mo kaya alagaan ang anak mo, uuwi nalang ako samin-“
“Edi umuwi ka! Sinong tinakot mo?”
“Ah ganon?”
“Ganon!”
“Napaka walang kwenta mo! Wala ka na ngang respeto sa asawa mo, wala ka pang pakelam sa anak mo!”
“Ruka!!! Inaaway nanaman ako ng mama mo!”
“Sige! Magsumbong ka dun! Kaka one year old palang ni Ruka pero mas matalino na sayo!”
“Hoy!” biglang sigaw ni Sandara na ina ni Jin at Jisoo. “Kung gusto niyong magpatayan, kumuha kayo ng kutsilyo. Kung gusto niyo maghiwalay, maghiwalay kayo pero utang na loob magpatulog naman kayo at tumahimik kayo ang aga aga nakakahiya sa mga kapitbahay!”
“Sorry na, ma,” sabi ni Wendy at umakap sa biyenan.
“Hay, Wendy, pinatulan mo pa kasi tong anak ko,” sagot ni Sandara at piningot ang tenga ni Jin.
“Aray! Aray, maaa!”
“Grabe parang maghihiwalay si Kuya Jin and Ate Wendy ‘no?” pag observe ni Lisa.
Nagtinginan at tumawa si Yeri at Jisoo.
“Hay nako, mamaya may pa duet duet ng “Heart on the Window” pang nalalaman yang dalawang yan,” sabi ni Yeri.
“Bwiset, kadiri nga. Nung nagbakasyon si Ate Wendy sa kanila, nag-emo pa yan si kuya biglang naka-eyeliner tapos kulay itim pa yung kuko parang sadboi eh two days lang nawala yang asawa niya,” dagdag ni Jisoo.
*
Pagkaalis ni Wendy, bumaba si Jin at dumiretso sa computer.
“Sama ko na si Ruka samin?” tanong ni Lisa sa ama ng bata.
“Bye, Ruka, laro ka muna with Tita Lalisa and La Lola ha? Lalaro lang din si papa, ingat kayo,” masayang sagot ni Jin.
“Balik tulog na ulit si Sandy Mondragon. Tara, Yeri, inventory and planning tayo for yung VIP shopping event,” sabi ni Jisoo na umakyat sa second floor.
“Alright, boss,” sagot ni Yeri na sumunod kay Jisoo na may dalang clipboard.
Umakyat sila sa sala na puno ng balikbayan boxes. Ang ama ni Jin at Jisoo na si Gilberto Mondragon, o kung tawagin ng mga kainuman niya sa kanto Ay G-Mondragon, ay piloto ng isang commercial airlines. Ang kanilang ina ay ang dating tagapamahala ng tindahan, pero nung magsimula ng college si Jin five years ago ay dumalas ang pagsama ni Sandara sa mga biyahe ng asawa niya upang magshopping. Nakita ni Jisoo ang opportunity para mag-start ng kanyang buy-and-sell side hustle.
Five years ago:
“Good evening, Mr. Jin Pomelo,” sabi ni Jisoo sa kaniyang kapatid.
“Grabe naman maka Jin Pomelo to, ikaw kaya tawagin kong Jisoolyn Pamela?”
“Wala namang ganyanan, kuya. Foul yan. Gusto ko lang naman mag-present sayo ng opportunity para maging investor sa bagong business ko na Bili-soo.”
Nag-isip si Jin na laging natatalo ng bunsong kapatid sa mga pustahan, tong-its at sabong ng gagamba. “Pano ba yan?”
“Simple lang naman. Buy and sell. Si Sandy Mondragon mahilig mag buy, ako naman magaling mag sell. Laging sobra ang pasalubong satin. Pag pinagsama natin ang mga pasalubong plus padala pa tayo ng pondo pambili ng anik anik based on market trends in the baranggay, boom, easy money,” paliwanag ni Jisoo.
(End of flashback)
Laking pasalamat ni Jin na naging partner siya sa Bili-soo dahil napalago nga ni Jisoo ang business, at dagdag pa ang mga tournament at streaming ng gaming team nila (si Jin, si Jisoo na pinaka magaling maglaro, si Chanwoo na pinakabata at laging nasisigawan ng nanay, si Wonwoo na pinsan ni Jungkook na hindi taga-baranggay, at lingid sa kaalaman ni CL, si Jennie na leader ng grupo for her strategizing skills at dahil siya ang pinakamalakas magmura sa chat), nakakaambag si Jin sa mga gastusin nila ni Wendy at ng anak nila kahit isang taon na siyang nagrereview para sa Engineering boards at wala pang trabaho.
“Okay, Yeri, itong dalawang box yung Donki haul, dito yung mga Labubu- papakyawin ng ate mo yan, ito fragile to, mga electronics and Apple accessories, itong box naman yung galing outlet mall sa LA, gumawa nalang tayo ng listahan kung ano yung items and ilan.”
“Okay, boss.”
“May mga premium items pa na nasa kwarto ko, email ko nalang sayo yung listahan. Magsend ka nalang ng invitation sa mga preferred customers natin for yung once a year, VIP-exclusive, priority sale shopping event. Tapos ibang mailing list naman yung end-of-year na singilan ng utang, lagyan mo ng background music na Godfather theme tapos yung picture ko yung nakaturo na parang intimidating pero maganda parin.”
“Syempre, boss.”
“Tapos ikaw na bahala tumawag dun sa printshop para sa giveaways natin na kalendaryo, email ko na lang din sayo yung pictures, piliin mo nalang yung pinakamaganda, yung parang pang brand ambassador ng Dior, mga ganon. Kailangan din ng stickers, and yung ate mo nagpasponsor ng basketball team niya so yung mga uniforms dapat may logo ng Bili-soo.”
“Got it, boss.”
“Yeri, hulog ka talaga ng langit. I don’t know kung anong ginawa mo para ilaglag ka pero I’m thankful.”
*
Alas nueve y media ng umaga sa Choice Cuts Beauty Parlor and Grill.
Nakaupo sa salon chair ang first customer ni Daesung: ang pinsan ni Irene at Jennie na nakatira din sa mansyon ni Don YG habang nagtatapos ng Fine Arts. Kasalukuyang blinibleach ang kaniyang buhok para kulayan ng pink pagkatapos. Kasama niya ang isang mukhang CIA agent na kasama ang kanyang alagang hikain na nakikipagkwentuhan kay Rosé at Somi na parehong naka apron at may hawak na walis.
Sa isa pang upuan, si Sunmi naman ay nagpapakulay ng kuko kay Joy para sa date niya mamayang gabi.
“Emmanuel, bakit mukang puyat na puyat ka? Nagsimbang gabi ka ba o puro kalokohan ang inaatupag mo?” tanong ni Daesung.
“Tito Daesung naman. DJ Mino na lang. Parang ang tanda naman ng Emmanuel,” sagot ni Mino. “Wala pa nga akong tulog, kakagaling ko lang sa gig.”
Ngumiwi si Daesung na parang hindi siya impressed at binaling nalang ang attention kay Jennie. “Buti naman pinayagan ka ng mama mo mamasyal. Makalanghap ka man lang ng-“
“Ammonia,” tawa ni Sunmi. “Grabe ka, Jennie, puro chlorine na nga lang naamoy mo sa swimming pool, dito naman samin bleach.”
“Okay lang po,” ngiti ni Jennie.
“Paaakyatin ko nalang sana kayo sa bahay pero etong si Rosé excited maging supervisor ni Somi,” sabi ni Daesung.
“Syempre dapat role model ako ng mga kabataan parang ang mga idol kong si Hilary, Camila at Liza M,” mayabang na sagot ni Rosé.
Kumunot ang noo ng mga kausap lalong lalo na si Jennie. Mali ba ang pagkakakilala niya sa kinakapatid niya? Isa bang Zionist/colonizer/mandarambong sympathizer si Rosé?
“Kelan ka pa nagka-interest sa pulitika?” tanong ni Daesung.
“Ate, parang ang pangit naman ng mga idol mo,” dagdag ni Joy.
“Anong politics? And anong pangit?” pikon na sagot ni Rosé.
“Si Hilary Clinton lesser of two evils siguro sa US pero Pilipino tayo, mananakop parin yun,” sabi ni Mino. “Hindi na ina-idol yun, Rosé. AOC siguro pwede pa.”
“Anong AOC?! Anong Hilary Clinton?! I was talking about my original blonde inspiration, the one and only Lizzie McGuire, Miss Hilary Duff!”
Napabuntong hininga si Jennie. Binato naman ni Daesung ng basahan si Rosé. “Gaga ka, tinakot mo kami!”
“Hep hep, pero yung Camilla. Kelan ka pa nagka-idol ng querida, kabit, number two, mistress, relasyon?” tanong ni Sunmi. “Kung may idol man tayong manlulupig, at least yung na-feature sa Vogue, Princess Diana!”
Tumango-tango si Somi at Joy. “Oo nga, ate.”
Si Jennie mukang malapit nang hikain.
“Anong kabit? Kelan naging kabit o manlulupig si Camila Cabello? Sobrang judgemental niyo!”
Hinampas ni Daesung ang pwet ni Rosé ng magazine na naka-roll. “Ikaw, bata ka, magFaFacetime na dapat ako sa mama mo para isumbong ka.”
“Rosie…” kinakabahang singit ni Jennie. Parang wala naman siyang ibang maisip na Liza M. except yung First Lady ng kadiliman. “Sino yung Liza M? How could you… diba never forget? Have you forgotten?”
Natahimik ang lahat at napatingin kay Rosé.
“Ba’t ganyan kayo makatingin? Masama ba magka-idol ng matanda? Ng mayaman and fabulous? Ng medyo mataba and may weird na something yung face?”
Napanganga ang lahat kay Rosé.
“Roseanne! Hindi kita pinalaki para sumuporta sa mga corrupt at diktador at lalong lalo na sa mga contrabida sa Star Wars!” sigaw ni Daesung.
“Ano daw?” tanong ni Sunmi kay Joy.
“Diba Jabba the Hutt?” sagot ni Joy.
“Anong Jabba the Hutt?! I only know Tropical Hut! Ba’t niyo ba ako binubully?!” mangiyak-ngiyak na sigaw ni Rosé.
“Ate Rosé, bakit mo kasi pinagtatanggol si Liza Marcos?” malungkot na sabi ni Somi.
“Anong Liza Marcos?! I was talking about Liza Minelli!”
Tumahimik lahat.
“Sino?” tanong ni Sunmi.
“Roseanne, Liza kasi na parang Liza Soberano, hindi Lisa ng Blackpink!” sigaw ni Daesung na tinanggal ang tsinelas nya at hinabol si Rosé.
“Ahhhh, mamang! Judy Garland nalang, Diba favourite natin yun? ‘The sun will come out tomorrow…” tili ni Rosé habang tumatakbo at umiilag.
“Gaga ka! ‘Somewhere Over the Rainbow’ si Judy Garland! Kakalbuhin kita pag naabutan kita, Roseanne!”
*
Lumipas ang araw ng payapa at matiwasay.
Palubog na ang araw at naghahanda na si Daesung na mag-close ng parlor.
Sa labas ng parlor naman ay nakatayo si Rosé sa harap ng maliit na grill, nagpapaypay ng last five sticks ng barbecue, ang natira sa mga paninda nya na majority naman ay siya lang din ang pumapapak.
Linabas nya ang maliit na pink na cash box niya at binilang ang laman. Meron naman siyang regular allowance galing sa papa niya, at nagpapadala din ng pera ang mama niya pero nauubos ito ni Rosé at kinukulang pa minsan kaya nagtitinda ng barbecue and dalaga for extra money. Kung ang allowance ni Lisa ay nauubos sa blind box ng Labubu, may pinagkakagastusan din si Rosé.
Tinanggal niya sa grill ang naluto nang barbecue, kinain ang isa, linagay sa pinggan ang apat at pinasok sa parlor.
“Mamang! Cheeky! May barbecue dito, snack before dinner!” bilin ni Rosé.
“Pahingi ako!” sigaw ni Sunmi.
“Ubos na pala!” sagot ng blondita bago lumabas at tumawid papuntang mansyon na kumakanta kanta ng “APT”.
Nag-doorbell siya kila Jennie at masayang naghintay. “Don’t you want me like I want you, baby…” kanta niyang pabulong. Joke lang, hindi marunong bumulong si Rosé.
Hindi nagtagal ay bumukas ang pinto ng gate at bumungad si Jennie. Nasa likod niya si Miss Alison na may dalang plastic container.
“Good evening, Rosie,” sabi ni Jennie.
“Hi, bes. I got your text. I’m here to pick-up my favorite mango graham,” sagot ni Rosé. “Are you ready? ‘Cause I’m comin’ to get ya, get ya, get ya, hold on, hold on, I’m on my WAAAAAAAY!”
“You’re scaring me, ano ba,” sabi ni Jennie na medyo napaatras. Kinuha ni Jennie ang plastic container mula kay Miss Alison at pinasa kay Rosé na masayang inamoy-amoy ito.
“Frozen yan wala namang amoy,” sabi ni Jennie.
“Alam mo, Jennie, kung mapurol na yung sense of smell mo, baka Covid yan, wag ka mangdamay. Sinend ko na sa g-cash yung bayad ha?”
Sumimangot si Jennie. “Akin na loyalty card mo.”
Nag-abot ng maliit na gusot gusot na business card si Rosé na dinikitan ni Jennie ng sticker na nagaamoy strawberry pag kinakamot. Si Rosé ang number one customer ng mango graham na ginagawa ni CL and nag-aaverage ng three orders per week. Siya din ang kaisaisang customer na binigyan ng loyalty card dahil sa dalas niyang bumili. Hindi naman talaga kasi nag-aadvertise si CL ng mango graham niya, tipong “if you know, you know” lang siya.
“Ilan na ba naipon mong free mango graham?” tanong ni Jennie.
“Enough na magiging maligayang-maligaya ang pasko ko! Haaay the best talaga ang mango graham ni ninang,” sagot ni Rosé.
“Hmmn… okay lang. It’s too sweet,” bulong ni Jennie.
*
Matapos mag-dinner, dessert at maligo ni Rosé ay nagsuklay siya ng mahaba nyang buhok sa may bintana habang kumakanta na parang sirena.
“Look at this stuff, isn’t it neat…”
Bumukas ang katapat na bintana ng katabing bahay.
“Hi, Ate Rosé,” bungad ni Somi.
Saktong bumukas ang pinto ni Rosé at pumasok si Joy na kumaway naman sa kapitbahay bago tumalon sa kama ng kapatid niya.
“Cheeky, upo ka sa harap ko, tirintasin ko buhok mo,” utos ni blondita sa kapatid.
Sumunod naman si Joy at kinuha ang malaking stuffed toy na avocado para yakapin. “Bakit, ate, stressed ka?” tanong ni Joy nang magsimulang magtirintas ng buhok si Rosé.
“Ay, ate, nakakapimples ang stress,” hirit ni Somi na nakadungaw sa bintana.
“Excited lang ako na uuwi si mama,” sabi ni Rosé. “Ilang years na din na FaceTime lang natin siya nakikita. Sana nga makakuha ako ng kahit isang solo part pag dating niya para makita niyang I’m just as fabulous and talented as her.”
Biglang bumukas ang isa pang bintana sa bahay nila Somi. “Hi Roseanne,” sabi ni Jungkook.
“Ano bang problema mo?!” sigaw ni Rosé. “Rosé nga ang pangalan ko, diba? Bakit ba not following instructions ka nalang forever?!”
“Bakit ba? Yun naman pangalan mo, Roseanne Lee,” sagot ng binata. “Korean papa mo diba? Same tayo.”
“Juicecoloured! Roseanne Lee parang brand ng panty, mygod! Rosé Park ang stage name ko, ano ba?! And hindi tayo same, half Korean lang ako!” sigaw ni Rosé kay Jungkook, kay Joy naman, “tandaan mo yan, Cheeky, Park ang apelyido natin just like mama.”
“Primavera kaya apelyido ng mama niyo,” pilyong sabat ni Jungkook.
“Aish, kuya, wag ka ngang pilosopo,” saway ni Somi. “Ano bang kinakain mo? Magshare ka nga.”
Nagbato si Jungkook ng pack ng cornick sa bintana ni Somi. “Kayo CJ? May Nagaraya ako, gusto mo?”
“Actually, inaantok na ko, pero favorite ni ate yan. Good night, everyone!”
Kumaway ang magkapatid na Jeon at umalis na si Joy.
“Ate, good night na din ako, tumatawag si Chaeyoung,” sabi ni Somi at nawala na sa bintana.
Bigla naman binato ni Jungkook ang bag ng Nagaraya sa bintana ni Rosé na muntik nang tumama sa mukha ng dalaga at naglanding sa kama niya.
“Punyeta ka talaga, papatayin mo pa ko!” sigaw ni Rosé.
“Sayang hindi natuloy!” sigaw pabalik ni Jungkook.
“Gabing-gabi na, magpatulog kayong dalawa,” sigaw ng kapitbahay nila.
“Sorry po, Aling Tessie!” sigaw ni Jungkook.
Nagkaroon na ng katahimikan.
“Good night, Aling Tessie!” bulabog ni Rosé na nagtrigger ng pagbubunganga ng kapitbahay at paghahagikhikan ng dalawang teenager.
